Saturday, June 4, 2011

Kung Maaari Lang Sana

Kung maaari bibilangin kong iyong mga pilikmata,
pagmamasdan mga busilig mo na parang may pinagaaralan akong mundo,
paglalakbayin mga daliri ko sa iyong labi
at luwalhati ang mapahinto sa mga kanal nito,

Kung papahintulutan mo,
Papahintulutan kong sarili ko
Na hawiing buhok mo
At ipakiusap ang labi ko sa tenga mo
Na baka sabik sa mga katagang nakatupi
Sa ilalim ng aking lalamunan.
Patawarin lang aking mga palad kung manginig,
Nais lamang nitong mabalani sa iyong mga ugat.

Para akong paganong nagkulong sa kweba
Na sabik sa liwanag at pagkupkop
Ngunit nabubusog lamang sa mga kwento
tungkol sa malayo,
Sa mga malayo.

Kung buksan mo akong aklat sa ibang wika
At nais intindihin,
Kakalungin kitang kagat labi’t
Pikit mata
At maghihintay...
sasambitin ko lamang pita ng aking puso
Kung tatanungin mo ako.

Monday, February 8, 2010

Pananabik

Hinahanap ko ang mga daliri mo sa aking mga utong,

Mga ulap na nagpapakalma sa nililitid na mga bulkan,

Soloista,

Panay ang pausok

Madilim na sulok,

Ang haba ng panahon ay haba ng panggagalaiti,

Pananabik ay isang dagat na mainit pag sinuong,

Imahinasyon ang gubat ng mayayaman,

Soloista,

Mamaya saluhan mo ng biyolin mo

Ang chopin ng gitara ko.

Friday, February 5, 2010

Pita


Pita kong makita ang pulupot ng mga braso,

Marinig ang impit na hagighik,

Ang mga patagong kiliti,

Panakaw na halik,

Mga bulaklak na kapwa nagmamasid

Sa liwasan na isang sinehan

Kung saan laging pinapalabas

Ang nakaraang inaasam.

Monday, February 1, 2010

Kinain ng Galit Isang Gabi

Ahas ang gabi na bumubura sa mga kalatas ng mga bituin

Mahaba ang Cormidal na ang hantungan ‘di alam,

Lagpasan lamang mga anino sa aking parang nakadamo,

Asong galisin, may deka-deka na ang kamay nakasuksok sa bulsa,

Pinili kong ‘di tumawid sa kabila,

Pakialam ko sa mga wala ring paki,

Mabilis ang oras sa mabagal kong paglalakad,

Walang kapaguran ang relo

Wala akong kamatayan,

Usok ng sigarilyo ang aking hininga,

Naghahanap ng tumana,

Ng babaing malungkot na naghahanap ng damo,

Marami akong alam na damuhan,

Alas onse, nasa labas ang mga malilibog,

Ang mga parapadyak na ang alak ay kantot,

Mga buwayang bugaw,

Ang dagat sa malayo walang naniniwalang iyon ang kausap

Kong naghihintay sa aking biglang nakaisip,

Walang naniniwala

Paki ko sa mga walang paki.

 

Thursday, January 7, 2010

Yosi

Ang usok ng sigarilyo,

Naglubid ng makakapal na ulap,

Makakapal na ulap

Na pumulupot sa aking leeg,

Humihigpit

Habang aking paghigop tunog ng tren

Mabilis

Pabilis.

Paghahanda sa Umaga

Sa umaga ang panalanging mas malambot pa sa unan,

Pagtimpla ng kape o tsaa pagkatapos,

Sa pagitan ng mga higop, mahahabang buntong hininga,

Nais makakita ng mga bulaklak

Nais makakita ng mga ulap,

Nais maamoy ang langit,

Darating ang kasagutan sa hulagway ng mga anghel,

Pagkislap ng balintataw,

Ay tanda ng simula,

Walang mahabang araw sa nakabaluti

Walang kalawang na kakapit

Sa gintong puso’t isip.

Tuesday, November 24, 2009

Kung aalis ka…

Kung aalis ka,

Sigurado kukunin mo ang lahat

Kahit sabihin mong iiwan mo ang larawan mo,

Ang paborito nating baso,

Ang pinagsasaluhang unan,

 

Kung aalis ka,

Ako lang ang maiiwan,

Kahit naririto lang ang kwarto,

Ang tsinelas na parehas nating ginagamit

Sa paglilimayon sa duon at diyan

Sa pag-iipon ng mga alalala,

 

Ang mga ala-ala,

Marahil pag-aari ko sila

Ngunit sa iyo rin sila,

 

Kung sabihin nating ako nga lang mag-isa,

Gaano katotoo na masasabi mo

Na ikaw na lang mag-isa

Sa paglabas mo ng ating silid?